Huwag Ninyong Ipagsaparalan Ang Inyong Kalusugan!

Developed in cooperation with the Cal/OSHA Advisory Task Force on Multi-lingual Publications and Training. 1997

This document is also available in Spanish and English.

Pagpapaliwanag

Ang patnubay na ito ay inilalaan para ipabatid sa mga manggagawa katulad ng mga nagtatrabaho sa mga tahanan, mga tagalinis, mga nag-aalaga ng mga parke at mga taong mayroong trabahong katulad ng mga ito - ang isang napakahalagang alituntunin ng Cal/OSHA:

  • Ito ang tinatawag na pamantayang pathogen ng sakit na nakukuha sa dugo.
  • Ito ay tungkol sa pag-iwas sa pagsalin ng sakit na hepatitis-B at virus na HIV na maydala ng sakit na AIDS.

Kahit na kakaunti ang panganib na mahawa sa mga virus na ito sa lugar ng trabaho, mabuti na ang ligtas sa panganib. Mas mabuti ang walang panganib kaysa mayroong kaunting panganib. Ang parehong virus na ito ay maaaring maging dahilan ng kamatayan ng mga nahawa ng mga sakit na ito.

Kapag kayo ay isang labandero, tubero, tagalinis, nagtatrabaho sa mga tahanan, taga-alaga ng maysakit, katulong ng dentista, taga-alaga at tagalinis ng parke at halamanan, o tagabigay ng pangunang lunas katulad ng isang tagaligtas ng taong nalulunod o tagatulong sa ambulansiya, kayo at ang ibang mayroong mga trabahong katulad nito ay maaaring malantad sa mga bagay na mapanganib sa kalusugan.

Mga bagay katulad ng mga maduming kumot, tuwalya, papel na pamunas, napkin para sa mga babae, kasangkapan para sa pangunang lunas at kahit na mga kasangkapan sa panggagamot ng maysakit at pangangalaga ng mga ngipin, ay maaaring mayroong mga dugo o likido ng katawan na maydala ng mga virus ng AIDS, hepatitis o ibang mga sakit.

Ang pagkakalantad sa nakakahawang dugo o likido ng katawan na mayroong mga virus na ito ay maaaring maging mapanganib sa kalusugan kapag hindi ninyo alam ang dapat gawin.

Ang mga nagbibigay ng trabaho at ang mga nagtatrabaho sa bawat uri ng hanapbuhay ay dapat matutong kumilala ng mga bagay na nasa lugar ng trabaho na maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng mapanganib na sakit at ituring na maaaring mapanganib ang lahat ng dugo at likido ng katawan.

Kahit na ang patnubay na ito ay hindi naglalaman ng lahat ng mga bagay na kailangan ninyong malaman tungkol sa pagkakahawa ng mga virus na ito, ito ay magbibigay sa inyo ng mga sagot sa ilang mga karaniwang mga tanong tungkol sa mga alituntunin ng Cal/OSHA na may kinalaman sa inyo at inyong trabaho.


Mga Tanong at Mga Sagot

Anong sakit ang maaari kong makuha kung malantad sa nakahahawang dugo o likido ng katawan?

Ang dalawang pangkaraniwang sakit na maaaring makuha ay ang AIDS at hepatitis-B.

Hepatitis-B ay napakasama para sa inyong atay, at ito ay pakaraniwang karaniwang mapanganib sa kalusugan sa lugar ng trabaho kaysa AIDS.

Mayroong bakuna na maaaring tumulong sa inyo laban sa pagkakaroon ng hepatitis-B. Sa ngayon walang bakuna o gamot laban sa AIDS.

Papaano ako makaiiwas para hindi mahawa?

Kahit na kakaunti ang panganib na malantad at mahawa sa mga sakit na ito sa lugar ng inyong trabaho, mahalagang magtrabaho sa paraang mababawasan ang panganib na mahawa.

Dapat ninyong malaman na lahat ng dugo at likido ng katawan at kahit anumang bagay na mayroong virus ng sakit na ito (katulad ng mga kutsilyo, karayum, maruming kumot, tuwalya) ay maaaring mapanganib.

Kapag mayroon kayong napapansing mga gawain o bagay sa lugar ng trabaho na maaaring magbigay ng mga problema, mabuting ipaalam kaagad ninyo sa inyong pinagtatrabahuhan para maiwasang mayroong magkasakit.

Hindi ba totoong mga bakla o tomboy at mga gumagamit lamang ng mga gamot na iniiniksiyon sa ugat ang maaaring magkaroon ng mga ganitong uri ng sakit?

Hindi. Kahit na kakaunti ang panganib sa lugar ng trabaho, kahit sinumang malantad sa mga nabanggit na bagay na mayroong mga virus ay maaaring magkaroon ng mga sakit na ito.

Papaano makatutulong ang Cal/OSHA?

Ito ang layunin ng pamantayang pathogen ng mga sakit na nakukuha sa dugo. Tinuturuan nito ang inyong pinagtatrabahuhan na bawasan ang panganib na mahawa sa mga sakit na nakukuha sa dugo o likido ng katawan sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga panganib na inyong hinaharap sa lugar ng trabaho.

Kung maaaring paminsan-minsan kayo ay nasa panganib, kailangang gawin ng inyong pinagtatrabahuhan ang mga sumusunod:

  • Gumawa ng paraan sa pagsugpo ng pagkakalantad at pagkahawa sa sakit.
  • Sanayin kayo sa pag-iwas malantad at mahawa sa mga sakit na ito.
  • Bigyan kayo ng mga kasangkapan para pangalagaan ninyo ang inyong sarili (katulad ng mga guwantes o maskara) at mabawasan ang panganib na mahawa habang kayo ay nagtatrabaho.
  • Bigyan kayo ng bakuna laban sa hepatitis-B kung kayo ay nasa trabaho na mayroong panganib na mahawa o kung kayo ay nahawa na - at nais ninyong pabakuna at maaaring magkasakit ayon sa kinalabasan ng pag-eeksamen ay maaaring magkasakit. Ang bakuna ay tatlong sunod-sunod na ibinibigay sa loob ng anim na buwan.

Ano ang kagamitan para pangalagaan ang sarili at magkano ang aking magagastos sa pagbili nito?

Ang kasangkapan para pangalagaan ang sarili ay mga bagay katulad ng mga guwantes, proteksiyon sa mata, damit at ibang mga bagay na nakatutulong para maiwasan ang mga bagay, dugo o likido ng katawan na mayroong dalang sakit.

Dapat kayong bigyan ng inyong pinagtatrabahuhan ng nararapat na kagamitan ng walang bayad.

Ang mga uniporme ay karaniwang hindi tinuturing na kagamitan para sa pangangalaga ng sarili.

Maaari bang i-uwi ko ang aking kagamitan para pangalagaan ang sarili para labhan o linisin?

Hindi maaari. Kailangang tanggalin ito at iwanan sa inyong lugar ng trabaho.

Katungkulan ng inyong pinagtatrabahuhan na itapon, linisin o labhan ang mga ito ayon sa tagubilin ng maygawa ng mga ito.

Kailangang palitan ng inyong pinagtatrabahuhan ang inyong kagamitan sa pangangalaga ng sarili kapag kinakailangan.

Ano ang dapat kong gawin kung ayaw magbigay ng aking pinagtatrabahuhan ng kasangkapan para pangalagaan ang aking sarili o ayaw akong pabakunahan laban sa hepatitis-B?

Ang mga nagbibigay ng trabaho ay dapat na mayroong mga alituntunin para sa pagbabakuna ng mga manggagawa. Kapag mayroong panganib na mahawa, ngunit ayaw kayong bigyan ng inyong pinagtatrabahuhan ng kinakailangang proteksiyon, kayo ay may karapatang ipaalam ito sa pinakamalapit na tanggapan ng Kawanihan ng mga Kaugnayang Panghanapbuhay ng California, Sangay ng Kaligtasan at Kalusugan sa Pagtatrabaho (Cal/OSHA).

Kapag nagsiyasat ang Cal/OSHA at napatunayang dapat na bigyan kayo ng inyong pinagtatrabahuhan ng mga bagay na ito, pagsasabihan ang inyong pinagtatrabahuhan na bigyan kayo ng mga ito.

Labag sa batas na kayo ay pakitunguhan ng masama ng inyong pinatatrabahuhan dahil sa pagbibigay alam nito.

Sa pabrika na aking pinagtatrabahuhan, mayroon kaming kasama sa trabaho na may tungkuling magbigay ng pangunang lunas sa aming mga manggagawa kapag sila ay nasasaktan. Kailangan ba ng taong ito ng bakuna laban sa hepatitis-B?

Kailangang alukin ng inyong pinagtatrabahuhan ang taong ito ng bakuna laban sa hepatitis-B, at bigyan ng pagkakataong magsanay at bigyan ng wastong uri ng kagamitan sa pangangalaga ng sarili (katulad ng pangtakip kapag kinakailangang isagawa ang CPR).

Kasali din dito ang mga nagbibigay ng trabaho sa mga tagapagligtas sa nalulunod, pulis, bumbero at mga kagawad ng mga pangkat sa mga biglang pangangailangang medikal at sa mga manggagawa sa tanggapan ng dentista, mga bilangguan, mga laboratoryong medikal, mga punerarya, mga paaralan, mga pagpapalakad ng pangangalagang pangkalusugan sa tahanan at ibang mga lugar ng trabaho na maaaring malantad at mahawa sa sakit.

Papaano ang mga tagapaglinis, tagapag-alaga ng tahanan, tubero at mga tagapanatili ng kaayusan ng mga gusali?

Kadalasan, kung nagtatrabaho kayo sa isang ospital, klinika o lugar na katulad nito, kailangang bigyan kayo ng inyong pinagtatrabahuhan ng pagsasanay at kagamitang pangangalaga at alukin ng bakuna laban sa hepatitis-B.

Kung kayo ay nagtatrabaho sa isang hotel, motel o parke, kailangang bigyan man lamang kayo ng pagsasanay na makilala ang mga panganib.

Ang pangangailangan ng kagamitan para sa pangangalaga ng sarili o ng bakuna laban sa hepatitis-B ay nakasalalay sa kung kayo ay nalantad sa dugo o mga likido ng katawan.

Dapat bang ilagay ang pagkain at mga kagamitan sa pag-aayos ng katawan sa lugar na pinagtataguan ng mga bagay na ginagamit sa pagtatrabaho?

Hindi ito nararapat. Huwag ilagay ang pagkain o mga kagamitang personal sa mga efrigerator o ibang mga lugar na ginagamit para itago ang mga bagay na maaaring mapanganib sa kalusugan at buhay.

Kapag nakakita ako ng isang sagisag ng panganib, ano ang kinakailangan kong gawin?

Mag-ingat! Kapag makita ninyo ang sagisag na ito sa kabinet o lalagyan, nangangahulugang maaaring mayroong mapanganib at nakakahawang basura sa loob.

Laging ingatan ang paghawak ng mga lalagyan para hindi mapunit o mabasag ang mga ito, at kayo ay malantad sa kahit anumang nakahahawang basura. Kadalasan kailangan din ninyong gumamit ng guwantes.

Sa lugar na aking pinagtatrabahuhan maaari akong matusok ng isang gamit ng karayum sa mga kumot o sa basurahan. Papaano kung ako ay nahiwa ng isang gamit ng matalas na pang-ahit na blade? Ano ang dapat kong gawin?

Hugasan kaagad ng sabon at tubig. Kapag walang hugasang maaaring gamitin, gumamit ng isang panglinis na pang-disimpekta o maliliit na tuwalyang panglinis at pampunas, at pagkatapos ay hugasan ng sabon at tubig sa lalong madaling panahon.

Kung hindi kayo sigurado at ayaw makipagsapalaran, pumunta sa emergency room ng ospital at ipaliwanag ninyo ng lubusan kung papaano kayo nahiwa. Kailangan ding ipaalam ninyo kaagad sa inyong pinagtatrabahuhan ang nangyari sa inyo.

Kailangan alukin kayo ng inyong pinagtatrabahuhan ng bakunang hepatitis-B kung hindi pa kayo nababakunahan. Kailangang umpisahan ninyo ang pagpapabakuna 24 na oras matapos ang pangyayari para maiwasan ang pagkahawa.

Kailangan din kayong ipagamot at bigyan ng nararapat na payo ng inyong pinagtatrabahuhan.

Ako ay inalok na ng aking pinagtatrabahuhan ng bakuna ngunit hindi ko naisip na kailangan ko ito noon. Ngayon, gusto ko ng pabakuna. Huli na ba para magpabakuna?

Hindi pa huli kung kayo ay patuloy na nagtatrabaho sa parehong lugar.

Maaari kayong magbago ng isip at kailangang pabakunahan kayo ng inyong pinagtatrabahuhan.

Kung kayo ay natusok na isang karayum o nasaktan, naumpisahan na ninyo ang pagpapabakuna at pagkatapos kayo ay umalis na sa inyong pinagtatrabahuhan, ang mismong dati ninyong pinagtatrabahuhan ay kailangang ipagpatuloy ang pagbibigay sa inyo ng bakuna hanggang matapos ito kahit hindi na kayo nagtatrabaho sa kanila.

Maaari ba akong makatanggap ng kabayaran dahil sa sakit o aksidente habang nagtatrabaho?

Kapag sinusunod ninyo at ng inyong pinagtatrabahuhan ang mga alituntunin, maaaring maiwasan ang kahit anumang uri ng sakit o aksidente. Ngunit hindi ito lubusang maiiwasan. Kaya ang inyong pinagtatrabahuhan ay nararapat na mayroong seguro laban sa aksidente o sakit na nakuha sa trabaho.

Kapag kayo ay mayroong kahit anumang tanong na hindi masagot ng inyong pinagtatrabahuhan, maaari ninyong tawagan ang Departamento ng Pakikipag-ugnayang Panghanapbuhay ng California, Sangay ng Pagpapaalam at Pagtulong sa mga Nasaktan sa Trabaho. Ang numero ng telepono ay nasa direktoryo.

Kapag kayo ay nagnanais na magtrabaho sa isang bagong kompanya, maaari bang hindi kayo tanggapin dahil lamang sa hindi pa kayo nababakunahan ng hepatitis-B?

Ayon sa batas, hindi maaaring maging kondisyon sa pagtanggap sa trabaho ang pagpapabakuna ng hepatitis-B.

Kapag kayo ay natanggap na sa trabaho at napag-alamang ang inyong trabaho ay maaaring maglantad sa inyo sa panganib na magkasakit o maaksidente, ang nagbibigay ng trabaho ay kailangan kayong pabakunahan at hindi ninyo ito dapat bayaran.

Ano ang palatuntunan sa pagsugpo ng pagkahawa?

Ang palatuntunang ito ay isinasagawa ng inyong pinagtatrabahuhan matapos mapag-alaman na ang ilang mga manggagawa ay maaaring malantad at mahawa sa mga bagay na mapanganib o may dalang sakit.

Ito ay isang nakasulat na palatuntunan.

Ipina-aalam nito kung ano ang gagawin ng inyong pinagtatrabahuhan para mabawasan ang panganib na mahawa sa dugo o ibang bagay na maaaring makahawa.

Ang inyong pinagtatrabahuhan ay maaaring humingi ng tulong para maisulat ito mula sa Cal/OSHA.

Maaari ninyong basahin ang palatuntunan tungkol sa pagsugpo na mahawa para malaman ninyo kung papaano kayo pangangalagaan ng inyong pinatatrabahuhan mula sa mga ganitong uri ng pagkahawa habang nagtatrabaho.

Mayroon kayong karapatang makakuha ng kopya ng palatuntunan sa pagsugpo na mahawa mula sa inyong pinagtatrabahuhan.

Ang paglilingkod at pagpapayo ng Cal/OSHA ay maaari ding magbigay ng mga impormasyon tungkol sa ibang mga bagay na dapat gawin para sundin ang mga alintuntunin katalad ng mga sumusunod:

  • pagkakaroon ng isang talaan ng mga pangyayari ng pagkalantad at pagkahawa dahil sa ang mga manggagawa ay natusok ng mga karayum.
  • pagbibigay sa inyo ng pagsasanay para hindi mahawa.
  • wastong paghawak ng mga basurang nakahahawa.

1997 Cal/OSHA Archive